SARIAYA, Quezon, Philippines — Patay na nang matagpuan sa gilid ng kalsada sa bayan ng Sariaya, Quezon ang lalaking dinukot ng pitong armadong kalalakihan sa isang gasolinahan sa Taal, Batangas noong Miyerkules ng gabi.
Ang bangkay ng biktima na si Eugene Del Rosario,25,residente ng Tondo,Maynila ay positibong kinilala ng live in partner na si Jane Maureen Cabello, 26 at mga kaanak.
Isang nagdaraan sa lugar ang nakakita sa bangkay sa gilid ng Eco-Tourism Road, Sitio Pontor, Brgy. Bignay 2, sa nasabing bayan kahapon ng umaga.
Ayon kay Lt. Col. William Angway Jr., hepe ng pulisya ng bayang ito na ang biktima na ang mukha ay binalutan ng packaging tape at nakatali ang dalawang kamay ay may tama ng bala sa ulo,likod at tadtad ng saksak ang mga katawan na pinatay sa ibang lugar at itinapon lamang sa Quezon upang iligaw ang imbestigasyon.
Sa salaysay sa pulisya ni Cabello na ang kanyang kinakasama ay dinukot ng pitong armadong kalalakihan sa harap ng isang gasolinahan sa kahabaan ng Barangay Mahabang Ludlod, Taal, Batangas noong Miyerkules ng alas-7:53 ng gabi.
Nakunan pa ng CCTV ng gasolinahan ang pagbaba ng biktima mula sa isang pampasaherong bus at habang nakatayo sa gilid ng kalsada nang dumating ang dalawang sasakyan ay puwersahan itong isinakay ng isa sasakyan na SUV na kulay abo ng mga suspek at sumibat sa direksyon ng Sta. Teresita, Batangas hanggang ito ay matagpuang patay sa nasabing lugar.
Ayon pa kay Cabello, galing sa Maynila ang asawa na isang dating delivery rider at kabababa lamang ng bus at papauwi na sa kanilang bahay sa Lemery nang mangyari ang pagdukot.
Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang motibo sa krimen at kung sino ang mga dumukot sa biktima.