TAYABAS CITY , Philippines — Patay ang apat na estudyante matapos sumalpok sa isang 6-wheeler truck ang sinasakyan nilang AUV sa lalawigan ng Quezon kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina Juan Carlos Alvarez, 22; Enrique Garcia, 20, driver; Marga Elaine Ramirez, 18; at Mikaela Jeuel Solomon, 23; na pawang college student. Sila ay nagtamo ng matitinding pinsala sa katawan at ulo sanhi ng kanilang agarang kamatayan.
Batay sa imbestigasyon ng Tayabas City Police, nangyari ang aksidente sa Maharlika Highway sa Barangay Calumpang pasado alas-3:00 ng madaling araw.
Lumilitaw na galing sa Lucena ang mga biktima at mabilis ang takbo ng kanilang sinasakyang AUV patungo sa direksyon ng Sariaya, Quezon nang sumalpok ito sa likod ng sinusundang truck.
Sa tindi ng banggaan, nawasak ang AUV at pahirapan ang pag-rescue sa mga biktima.
Sa pahayag ng driver na si Cipriano Hernandez, dahil sa sobrang bigat ng kanyang kargang produkto ay hindi niya namalayan na may sumalpok na palang sasakyan sa likod ng minamaneho nitong truck.
Nakarinig umano si Hernandez ng malakas na kalabog kaya dahan-dahan nitong itinabi ang kanyang trak upang suriin kung sumabog ang gulong. Gayunman, nang mapatingin siya sa side mirror ay dito na niya nalaman na may nakaladkad na siyang kotse.
Lumalabas na nakaladkad ng truck ang AUV ng 20 metro dahilan upang maipit ang mga biktima.
Mabilis na rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Sariaya, CDRRMO Tayabas, Bureau of Fire Protection (BFP) at Tayabas Police pero inabot ng kalahating oras bago nila natanggal mula sa pagkakaipit sa nayuping kotse ang mga biktima.