CAVITE, Philippines — Arestado ang isang babae sa entrapment operation ng pulisya matapos mambiktima ng apat katao na pinangakuang makakalipad sa bansang China, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Ibayo Silangan, bayan ng Naic.
Nahaharap sa mga kasong Illegal Recruitment Sec 6 in relation to Sec 7 of RA 8042 and 4-counts of estafa ang suspek na si Suzette Salazar, 42, residente ng Naic, Cavite.
Ang operasyon ay ginawa base sa reklamo nina Jovanni Tolin, 43, ambulance driver; Manuel Roxas, 29, tricycle driver; Carlo Pamintuan, 41, construction worker at Rizalito Pascual Jr., 28, construction worker; pawang taga-Ibayo Silangan, Naic, Cavite.
Sa imbestigasyon ni P/Staff Sgt. Rodrigo Veloso III, hiningan umano ng suspek ng tig-P9,500 ang mga biktima bilang bayad sa pag-proseso ng kanilang mga dokumento papuntang Macao, China at pinangakuan na makakaalis sa loob ng isang linggo.
Gayunman, nitong Agosto 13, tinawagan ng suspek ang mga biktima at hiningian muli ng P3,750 bawat isa bilang karagdagang bayad para ganap na umano silang makalipad pa-China.
Dahil dito, dumulog na ang mga biktima sa pulisya kaya isinagawa ang entrapment operation. Agad dinakma ng mga operatiba ang suspek nang tanggapin nito ang pera mula sa mga biktima sa Brgy. Ibayo Silangan.