TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Matataas na kalibre ng baril ang nabawi ng mga operatiba ng 5th Infantry Division (5ID) Philippine Army matapos makubkob ang isang kampo ng mga rebeldeng New People’s Army kasunod ng nangyaring sagupaan sa Barangay Calassita, Sto. Niño, Cagayan.
Ayon kay Captain Rigor Pamittan, chief of the 5ID’s public affairs office, tumagal sa 15 minuto ang sagupaan sa pagitan ng mga tauhan ng 17th Infantry Battalion (17IB) at mga teroristang grupo mula sa West Front Committee-Komiteng Probinsya-Cagayan-Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley bago tuluyang tumakas ang mga rebelde dala ang kanilang mga sugatan na kasamahan.
Ayon naman kay Major General Lawrence Mina, 5ID commander, nabawi ng tropa ng gobyerno ang 2-M-60 light machine guns, 1- M-14 Armalite rifle, 1- Carbine rifle, 1-AK-47 Armalite rifle, 1-M-16 Armalite rifle, and 1- 12-gauge shotgun.
Nakuha rin sa kampo ng mga rebelde ang karagdagang 3-M16A1 rifles, 2- M-14 rifles, 1- AK-47 rifle, 1-Garand rifle, 1- M60 barrel, 3-Cal. 30 Carbine barrels, 1-Garand barrel, at sari-saring mga bala para sa M-14, Carbine at AK-47.
Bukod sa mga high powered na mga armas ay nakakuha rin ang militar ng mga improvised explosive device components, 30-metrong detonating cords, 5- bandoliers with magazines, rebel flag, medical kits at mga personal na kagamitan.
Patuloy pa rin ang isinasagawang pursuit operation ng mga kasundaluhan sa nasabing lugar.