LUCENA CITY, Philippines — Bumagsak sa kulungan ang sinasabing lider ng isang kilabot na drug group sa lalawigan ng Quezon makaraang malambat sa buy-bust operation at makumpiskahan ng hinihinalang shabu na may mahigit P.1-milyong halaga sa Purok Matahimik Isla, Barangay Cotta ng bayang ito, kahapon ng umaga.
Kinasuhan na ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na nakilalang si Alfredo Querijero alyas “Jetox”, 58 , umano’y lider ng “Querijero Drug Group” na kumikilos sa lungsod at mga karatig bayan sa lalawigan, at residente sa naturang lugar.
Ayon kay P/Lt. Col. Reynaldo Reyes, chief of police ng Lucena City, isinagawa ng kanyang mga tauhan sa Drug Enforcement Unit (DEU) ang anti- drug operation laban sa suspek sa mismong bahay nito dakong alas-6:34 ng umaga.
Nakuha buhat sa pag-iingat ng suspek ang 9 na plastic sachet na naglalaman ng suspected shabu na tumitimbang ng 5.32 gramo at nagkakahalaga ng P108,528.00.