MANILA, Philippines — Dalawang bata ang nasawi makaraang malunod nang tangayin ng malakas na agos habang naliligo sa ilog ng Mandaue City sa Cebu, kamakalawa.
Kinilala ang mga biktima na sina Sam Calderon, 5-anyos at kaanak na si Alexander Calderon; pawang residente ng Brgy. Paknaan ng nabanggit na lungsod.
Sa ulat ng pulisya, alas-11:45 ng tanghali habang naglalaro nang magkayayaan ang dalawang bata kasama ang isa rin nilang kamag-anak na menor-de-edad na maligo sa Butuanon River sa Zone Ahos ng Brgy. Paknaan nang hindi nagpapaalam sa kanilang mga magulang.
Habang naglalangoy sa ilog, napansin ng kasamang batang lalaki na biglang nawala ang mga pinsang sina Sam at Alexander kaya umahon siya at ipinagbigay alam nito sa kanilang tiyahin.
Agad na nagsagawa ng search and rescue operations ang mga awtoridad bandang alas-12 ng tanghali ng nasabi ring araw at naiahon ang katawan ng dalawang bata mula sa ilog saka isinugod sa pagamutan sa Mandaue pero idineklarang kapwa dead-on-arrival.