Magsasaka nakuryente sa nakalambiting kawad

Patay na nang ma­tag­puan ng kanyang kapatid ang biktimang kinilalang si Frederick Marbida Magdasoc, nasa hustong gulang at residente ng natu­rang lugar.
STAR/ File

DARAGA, Albay, Philippines — Hindi sukat akalain ng isang magsasaka na ang ilang araw nang inirereklamong nakalambiting kable ng Albay Power Energy Corporation (APEC) ang siyang tatapos sa kanyang buhay matapos makur­yente habang magsusuga sana ng kanyang mga kalabaw at baka sa kanilang lupain sa Brgy. San Vicente Pequeño ng bayang ito, kamakalawa ng madaling araw.

Patay na nang ma­tag­puan ng kanyang kapatid ang biktimang kinilalang si Frederick Marbida Magdasoc, nasa hustong gulang at residente ng natu­rang lugar.

Sa ulat, dakong alas-4:30 ng madaling araw umalis ng bahay ang biktima para magpastol ng kanyang kalabaw at baka.

Gayunman, dahil sa posibleng madilim pa ang kapaligiran ay hindi nito napansin ang nakalambiting putol na kable sa kanyang daraanan dahilan para dumikit ito sa katawan ng biktima at agad nangisay.

Dakong alas-6:00 ng umaga nang matagpuan siya ng kapatid na si Noel na nakahandusay at patay na.

Sa reklamo ng pa­milya, noong Hulyo 30 ay personal na inireport ng biktima sa management ng APEC ang nakalambi­ting mga kable sa poste pero walang naging aksyon ang naturang electric corporation dahilan para ito rin ang makakuryente sa biktima.

Show comments