MANILA, Philippines — Umakyat na sa P1 bilyon ang halaga ng pinsala sa mga imprastraktura sa Northern Luzon bunsod ng magnitude 7.3 na lindol na tumama sa Abra, ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon.
Sa tala ng NDRRMC, nasa 1,470 infrastructures na nagkakahalaga ng P1,252,288,371.81 ang naiulat na nawasak ng malakas na lindol sa Ilocos Region, Cagayan Region, at Cordillera Administrative Region. May kabuuang P651,519,209 pinsala naman sa Ilocos; P32,029,162.81 sa Cagayan; at P568,740,000 sa Cordillera region.
Umabot din sa 28,289 na kabahayan ang partially damage sa lindol habang nasa 413 ang totally damage sa Ilocos, Cagayan, Cordillera, at sa National Capital Region habang may 10 indibiduwal ang naiulat na nasawi at 394 ang nasugatan sa nasabing kalamidad.
Naitala pa na may 404,370 indibidwal o 105,241 pamilya ang apektado sa 1,115 barangay sa Ilocos, Cagayan, at Cordillera bunsod ng lindol.
Sa report ng Department of Agriculture (DA), nasa P263 milyong halaga ng irrigation system, farm-to-market roads at farm structures ang nasira ng lindol kasama pa ang naitala ng National Irrigation Administration na P4.5 milyong pinsala.
Ayon sa DA, mula sa Cordillera Administrative Region at Ilocos Region ang mga nasirang farm structures pero wala namang crop damage rito. Wala namang naiulat na nasira sa Pantabangan at Magat Dam na nasa Northern Luzon.
Sa kabila nito, sinabi ng DA na hindi naman naantala ang suplay ng pagkain sa Northern Luzon dahil agad na nagsagawa ng clearing operation sa mga kalsada.
Wala ring natatanggap na ulat ang DA na nagkakaroon ng iregularidad sa presyo ng mga pagkain at iba pang pangunahing bilihin.
Sa ngayon, sinabi ng DA na mayroong dalawang Kadiwa trucks na may laman ng 4.36 metric tons ng mga gulay at iba pang pagkain ang nag-iikot sa mga munisipalidad sa Bucay, Penarrubia, Manabo, Danglas, La Paz, Lagayan, Dolores, Deet, at Tayum.
Nagpadala na rin ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Kadiwa trucks na may lamang dalawang metric tons ng isda sa mga apektadong lugar.
Tiniyak naman ng National Food Authority (NFA) na sapat ang suplay ng bigas sa Northern Luzon.
Samantala, sa update ng Disaster Risk Reduction and Management Service ng Department of Education (DepEd), nasa 495 na lang na paaralan ang apektado ng lindol sa Abra mula sa anim na rehiyon sa Luzon hanggang alas-12:00 ng tanghali ng Agosto 1.
Sa naturang bilang, 276 na paaralan ang napinsala kung saan may 743 silid-aralan ang bahagyang napinsala, habang 534 na silid-aralan ang lubusang napinsala ng pagyanig. - Angie Dela Cruz at Mer Layson