MANILA, Philippines — Nagsumisigaw ng hustisya ang kaanak ng limang lalaking mananabas ng damo na walang awang pinagtataga ng ‘di pa nakikilalang salarin sa Doña Remedios Trinidad sa Bulacan.
Away sa lupa diumano ang kutob ng mga kaanak ng mga pinaslang kaya nangyari ang karumaldumal na krimen.
Ikinagulat ng isa sa mga anak ng pinaslang ang nangyari. Aniya wala naman daw nakaalitan ang kanyang ama.
“Hanggang ngayon parang blanko pa rin kami kahit nga ngayon takot kaming umano (magsalita), nagtatrabaho lang yung mga yun, matagal na sila diyan nagtatrabaho. Hindi pa namin ano (alam) kung papaano ang pinagmulan” ani ng isa sa anak ng biktima sa panayam sa Teleradyo na inere, Martes.
“Hustisya po sa aming mga magulang. Sana mabigyan po kami.”
Samantala hindi naman daw matanggap ng asawa ng isa sa pinaslang ang sinapit ng kanyang mister na duda niya ay tinorture pa bago ito tinuluyang patayin.
“Parang mga manok na kinatay, sabi ko nga sa halagang P420, limang buhay po ang kinuha nila. Kami naman po kung hindi kakahig hindi tutuka. Sana po kung sa lupa iyon, sana pinauwi nalang po nila,” sabi ng asawa ng isa sa mga biktima.
Ayon sa asawa ng biktima, nakita nilang may pasa sa iba't ibang bahagi ng katawan ang mga biktima.
Pina-autopsy na ng mga kaanak ang mga labi ng mga pinaslang para sa ikauusad ng kaso. Sa kabila nito, problema nila kung itutuloy pa ang paghahabla dahil wala naman daw silang sapat na pera panggastos para rito.
Umaapela naman sila sa Philippine National Police at lokal na pamahalaan na tulungan silang matukoy ang suspek o mga suspek upang maresolba ang kaso. — Philstar.com intern John Vincent Pagaduan