QUEZON, Nueva Vizcaya, Philippines — Nasa 1,500 na minero na karamihan ay mga katutubo ang nangangamba na mawawalan ng trabaho sa isang minahan dahil sa pagmamatigas ng mga illegal settlers na lisanin ang lugar sa Barangay Runruno ng bayang ito.
Ayon kay Joey Dulnuan, presidente ng Runruno Friends of Highland Group Union, marami umano ang mawawalan ng trabaho, na karamihan ay pawang mga Indigenous Peoples (IPs), kung magsasara ang FCF Minerals Corporation dahil sa pagtanggi ng mga “illegal settlers” na umalis sa lugar para mabigyang daan ang stage 3 na operasyon ng minahan.
Ayon sa FCF mining department, ang stages 1 at 2 ay natapos na kung kaya’t kailangan na umano nilang umpisahan ang stage 3.
Sinabi sa union, sa kabila ng pagsunod ng FCF Minerals sa mga requirements na nakasaad sa 25-year financial or technical assistance agreement (FTAA), ay nagmamatigas pa rin ang ilang mga illegal settlers na lisanin ang lugar.
Bunsod nito, nagsagawa ng “peaceful demonstration” ang mga manggagawa ng minahan para ipakita ang kanilang suporta sa patuloy na operasyon ng kumpanyang FCF Minerals.
Ayon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB), ang FCF Minerals Corp., may exclusive right ang FCF, at legal ang kanilang operasyon base sa nakasaad sa FTAA na inilabas noong 2009.
Sinabi ni Engineer Mario Ancheta, director ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Region 2, nasa commercial operation period ang FCF batay sa kanilang FTAA at kailangan nila ang stage 3 para sa kanilang operasyon.