LAGUNA, Philippines — Arestado ang isang guwardya ng Laguna Provincial Jail matapos makumpiskahan ng illegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Sta. Cruz, Laguna nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ng Drug Enforcement Unit (DEU) at Sta. Cruz Police ang suspek na si Eugene Bactad, job order employee ng pamahalaang panlalawigan ng Laguna.
Si Bactad ay nakatalaga bilang guwardya sa provincial jail sa loob ng 9 na taon matapos matiklo sa kanyang illegal na gawain.
Batay sa report ng Sta. Cruz Police, isinagawa ang buy-bust laban sa suspek sa Barangay Bagumbayan at nakabili ang police poseur buyer ng 1 sachet ng shabu.
Matapos maaresto, narekober pa rito ang tatlong sachet ng shabu na may timbang na 10 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P68,000.