^

Probinsiya

Pader sa Tagaytay gumuho: 6 patay

Manny Tupas - Pilipino Star Ngayon
Pader sa Tagaytay gumuho: 6 patay
Ilang eksena sa search, rescue and retrieval operation sa Barangay Kaybagal Central, Tagaytay City, ika-12 ng Hulyo, 2022
Mula sa Facebook page ng Cavite-PDRRMO

Dahil sa walang puknat na pag-ulan

CAVITE, Philippines – Anim katao ang patay kabilang ang foreman ng isang construction firm habang dalawa pang obrero ang sugatan matapos mag-collapse ang mataas na pader na katabi ng kanilang ginagawang bungalow bunsod ng walang humpay na pagbuhos ng ulan sa Tagaytay City ng lalawigang ito noong Lunes ng gabi.

Kinumpirma ni City administrator Gregorio Monreal na anim ang patay sa insidente kung saan ang lima ay nahukay kahapon ng mga rescuers mula sa gumuhong pader habang ang isa na natukoy na foreman ay kabilang sa unang tatlong na-rescue kasunod ng pagguho ng pader kamakalawa matapos itong ideklarang dead-on-arrival sa Tagaytay Hospital.

“Unfortunately, isang na-rescue natin kahapon (Lunes) ay namatay din. Ngayon (Martes), ang na-retrieve natin lima,” ayon kay Monreal sa panayam ng mga mamamahayag kahapon.

Sa ulat ni Police Staff Sergeant Archie Paclibar, may hawak ng kaso, kinilala ang mga nasawi na sina Ronilo Casaljay, 52, foreman ng 3-13 Construction firm; at mga obrerong nakuha sa retrieval operations na sina Daniel Nespe­ros, 29; William Ocong, 45; Ramer Gamba, 26; Jerimy Doña,19, at Nino Villasquez; pawang stay-in sa nasabing lugar at mga residente ng Brgy. Ligas II, Bacoor City, Cavite.

Ang dalawang nasugatan at nasa maayos nang kalagayan ay na­kilala namang sina Project Engineer Marco Paulo Abarientos, 33-anyos, at construction worker na si Nino Villasquez, 19-anyos.

Sa pagsisiyasat ni Paclibar, naganap ang pagguho sa katabi ng construction site sa Barangay Kaybagal Central dakong alas-6:20 ng gabi matapos ang sunud-sunod na pag-ulan.

Lumalabas na lumambot ang lupa na kinatitirikan ng mala­king pader na naging sanhi upang bumigay ito. Kasalukuyang nagpapahinga ang mga biktima sa kanilang barracks nang biglang gumuho ang konkretong pader ng Hortaleza Farm at sa kamalasan ay bumagsak sa kanila.

Sa isang panayam kay Tagaytay police chief Lt. Col. Norman Ranon sa dzBB, ang pader na tinatayang nasa 30 talampakan ang taas ay nakatirik na nang magsimula ang mga biktima sa konstruksyon ng bahay sa natu­rang lugar noong Mayo 16.

Isa sa mga biktima ang nasa labas sa gilid ng pader at nakitang babagsak na ang pader kaya napasigaw at nakatakbo ang tatlo pero inabot pa rin ang isa habang ang iba ay natabunan ng pader.

Sinabi ni Monreal na iniutos na nito ang imbestigasyon upang madetermina kung may pananagutan ang may-ari ng farm sa insidente.

“Base sa initial assessment, meron na ­dating pader, dinagdagan nila ‘yung structure,” pahayag ni Monreal. -  Cristina timbang, Doris Franche at Ed Amoroso

TAGAYTAY CITY

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with