LUCENA CITY, Philippines — Kulungan ang binagsakan ng tatlong hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na droga makaraang madakip sa anti-drug operation at makumpiskahan ng hinihinalang shabu na nasa mahigit P200,000 ang halaga, kamakalawa ng gabi sa Purok Tulungan, Barangay Cotta ng lungsod na ito.
Kinilala ni P/Lt. Col. Reynaldo Reyes, chief of police ng lungsod, ang mga nadakip na sina Rodrigo Quina, 44, residente ng nasabing barangay; Michael John Jaca, 44, ng Barangay Domoit, at Reynaldo De Luna 30, ng Barangay Ibabang Dupay, pawang sa Lucena City.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang City Drug Enforcement Unit sa pamumuno ni P/Lt. Jerome Ubaldo na patuloy na nagsasagawa ng iligal na gawain ang mga suspek sa kabila ng pinaalalahanan na sila ng mga barangay officials.
Bandang alas-9:12 ng gabi nang isagawa ng mga otoridad ang buy-bust operation sa bahay ni Quina na nagresulta sa pagkakaaresto nito at ng dalawa niyang kasamahan.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 12.1 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P245,840.00.
Kinasuhan na ang tatlo ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.