LIBON, Albay, Philippines - Duguang isinugod sa pagamutan ang isang kapitan ng barangay matapos pagbabarilin ng hindi pa nakilalang gunman na hinihinalang berdugo sa Brgy. Libtong ng bayang ito kamakalawa ng gabi.
Nasa malubhang kalagayan ang biktima na kinilalang si Brgy. Chairman Albino Dela Rama, 67-anyos, binata, residente ng nasabing barangay bunsod ng mga tama ng punglo sa kanang bahagi ng mukha at balikat.
Sa ulat, dakong alas-6 ng gabi, sa hindi malamang dahilan ay biglang sumulpot sa harapan ng kapitan ang hindi nakilalang suspek at walang kaabug-abog na pinagbabaril na duguang humandusay.
Pagtakas ng suspek, mabilis na isinugod ang tserman ng mga residente sa Libon Rural Health Unit pero dahil sa maselang mga tama ng bala sa katawan ay inilipat siya sa Josefina Belmonte Duran Albay Memorial Provincial Hospital sa Ligao City.
Ang pamamaril kay Dela Rama ay ilan lang sa naitalang karahasan ng ilang armadong suspek sa barangay.
Nitong nakalipas na buwan dalawang magsasaka ang binaril at napaslang sa lugar na sinundan ng pamamaril sa isang tricycle driver kung saan nadamay pa ang isang 15-anyos na estudyante.
Ang tangkang pagpatay sa kapitan ay lalong nagdulot ng malaking takot sa mga residente na halos karamihan ay gusto nang umalis sa kanilang barangay dahil sa hindi mahuli-huli ng Libon Police at Albay PNP Provincial Office ang mga suspek.