Mister kinatay, misis sugatan sa selosong ex-lover

Madugong ‘love triangle’ sa Bulacan

PANDI, Bulacan, Philippines — Patay ang isang mister habang sugatan ang kanyang misis matapos silang pasukin at undayan ng saksak ng dating live-in partner ng ginang dahil sa hinihinalang matinding selos kamakalawa ng mada­ling araw sa Brgy. Siling Bata ng bayang ito.

Kinilala ng pulisya ang napatay na mister na si Lianito Lipana, 45-anyos habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang kanyang misis na si Michelle Lipana; kapwa residente ng Brgy. Siling Bata, Pandi, Bulacan.

Ang suspek na nahaharap sa kasong murder at frustrated murder ay nakilalang si Joseph Ariscon, 45-anyos ng Brgy. Bunlo, Bocaue, Bulacan.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-2:00 ng madaling araw habang magka­tabing natutulog ang mag-asawa sa kanilang kuwarto ay biglang dumating ang suspek na may dalang kutsilyo at sinaksak ang biktima sa dibdib at tumagos sa likod.

Tinamaan naman ng kutsilyo sa tagiliran ang nasabing misis matapos na harangin nito ang muling pananaksak ng suspek.

Matapos na makitang kapwa nakahandusay ang mag-asawa, mabilis na tumakas ang suspek.

Dinala naman sa ospital ng mga sumaklolo ang mag-asawa ngunit idineklarang patay si Lianito.

Sa isinagawang manhunt operation ng mga operatiba ng Pandi Police, agad namang nadakip ang suspek.

Ipinalalagay na selos ang motibo sa krimen dahil hiniwalayan ng ginang ang suspek at nagpakasal siya sa nasawing biktima.

Show comments