Suspek sa pagpatay sa dalaga sa Bulacan, huli na
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Nadakip na ng pulisya ang suspek sa pagpatay sa isang lady engineer matapos ang ibinigay na dalawang araw na taning ni Bulacan Governor Daniel Fernando sa pulisya para mahanap ito.
Iniharap kamakalawa ng gabi nina Gov. Fernando at Bulacan Acting Provincial Police director Col. Charlie Cabradilla sa mga mamamahayag ang suspek na kinilalang si Darwin De Jesus, 30, may asawa, construction worker na itinuturong responsable sa pagpatay sa dalagang si Princess Dianne Dayor, 24, ng Brgy. Tabang, Guiguinto, Bulacan.
Si De Jesus ay dinakip ng pinagsanib na puwersa ng Bulacan, Malolos City at Guiguinto Police sa isang paupahang bahay malapit sa tirahan ng biktima kasunod na rin ng mga pahayag ng tatlong testigo sa krimen.
Pinasalamatan at pinuri ni Fernando ang Bulacan Police sa mabilis na responde at aksyon gayundin sa mga nagbigay ng reward at nagtulung-tulong upang malutas ang kaso ni Dayor.
Binanggit ni Cabradilla na malaking tulong sa imbestigasyon ang pabuya na ipinagkaloob nina Malolos City Mayor Atty. Christian Natividad at Guiguinto Mayor Atty. Agatha Cruz na umabot sa P.5-milyon.
Sa kabila nito, itinanggi ng suspek na may kinalaman siya sa pagkamatay ng dalaga. Pero sinabi ni Cabradilla na magkakilala ang suspek at biktima.
Magugunita na si Dayor ay nawala noong Hulyo 2 habang papasok sa trabaho at natagpuan ang bangkay nito na naaagnas na sa isang madamong bakanteng lote noong Hulyo 5.
Base sa mediko legal, sa sakal namatay ang biktima gamit ang strap ng slim bag nito. Posible ring pinagtangkaang halayin ng suspek ang biktima dahil may palatandaan na nanlaban umano ito kung kaya pinatay ng salarin.
Tinangay umano ng suspek ang iPhone 11 at wallet ng biktima matapos niya itong patayin dahil ayon sa pamilya ay nawawala ang wallet at cellphone ng dalaga nang matagpuan ang bangkay nito.
Nakapiit sa Malolos City Police ang suspek na kakasuhan ng “robbery hold-up with homicide”. - Doris Franche
- Latest