Minimart sa Cavite niransak, suspek timbog
CAVITE, Philippines — Isang minimart ang pinasok ng tatlong kawatan at nasa P100,000 na halaga ng iba’t ibang gamit at pera ang kanilang natangay kamakalawa ng gabi sa Brgy. San Nicolas 3, Bacoor City.
Sa ulat, isa sa tatlong suspek ang naaresto sa isinagawang follow up operation ng pulisya na nakilalang si Jobert De Peña, nasa hustong gulang, habang pinaghahanap pa ang dalawang kasamahan nito kabilang ang isang babae na nagsilbing lookout sa labas ng minimart.
Sa imbestigasyon ni Pat. Marco Romero C Cupo, may hawak ng kaso, alas-11 ng gabi nang pasukin ng tatlong lalaki ang Japan Dragon MiniMart sa Nickel St., panulukan ng Barium, Platinum Ville, sa Brgy. San Nicolas 3, Bacoor City.
Winasak ng mga suspek ang padlock ng nasabing establisimyento at tinangay ang mga cellphone at pera sa loob nito.
Nakunan naman ng CCTV footage ang panloloob ng mga suspek sa naturang minimart kung kaya nakilala ang isa sa kanila sanhi ng kanyang pagkakadakip.
- Latest