2 lalaki haharap sa reklamo nang mabistong 'naglilibing ng buhay na aso'
MANILA, Philippines — Isang concerned citizen ang nakasaksi sa paglalagay ng buhay na aso sa hukay sa San Mateo, Rizal — bagay na ikinabahala ng ilang animal welfare advocates.
Nakunan ni JD Toreja ang paglalagay ng aso sa hukay habang dumadaan at doon na raw niya naisipang kunan ang pangyayari. Sa video, makikitang nakagapos ang aso at naghihina na.
"Buhay pa 'yung aso! Nililibing niyo eh!" sabi ng isang lalaki sa isa pa sa Facebook video na in-upload nitong Huwebes.
Makikita ang dalawang lalaking nakatayo sa tabi ng hukay sa harap ng isang simbahan. Ayon sa blotter sa Barangay Silangan, akala raw nila ay wala ng buhay ang aso ngunit nang paluin at tusukin ng tubo ang hayop ay bigla itong umiyak.
"Ini-expect nila ay patay na, 'yun pala ay buhay pa. Agarang pinuntahan ng aking mga barangay pulis dahil may isang constituent na nagsabi na may asong inililibing," ani Larisa Adora, chairperson ng Barangay Silangan sa panayam sa GMA News.
Ayon pa sa Barangay, ibinigay nila ang aso sa Strays Worth Saving (SWS), isang non-government organization. Dinala pa raw sa beterinaryo ang aso upang tignan ang kalagayan ngunit binawian rin ito ng buhay kalaunan dahil sa mga tinamong injury.
Sabi naman sa local leader ng simbahan, mga trabahador sa kaharap na construction site ang mga lalaki. Sinabi raw sa kanilang iniwan lang sa harap ng simbahan ang asong nanghihina at noo'y may mga galis pa.
Dagdag pa ng naturang local leader, naawa sila sa aso at para hindi na bumaho ay inilagay na lang nila ito sa hukay.
Base sa video, mariing iginiit ng mga lalaking hindi nila ililibing ang aso. Aniya "inilagay lang diumano nila ito sa hukay."
Dismayado naman ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa sinapit ng aso.
"Ang buhay na hayop ay nakakaramdam katulad nating tao. Kung 'di nila ma-grasp iyong concept na iyon, nakakadismaya, nakakalungkot," sabi ni Anna Cabrera, executive director ng PAWS sa GMA News.
Bagama't patay na ang aso, itutuloy pa rin ng SWS ang pagsasampa ng kaso sa mga suspek. Kung mapatunayang lumabag sa Animal Welfare Act, pagbabayarin sila ng multang aabot sa hanggang P250,000 o hanggang dalawang taong pagkakakulong. — Philstar.com intern John Vincent Pagaduan
- Latest