Sa nakalipas na 24-oras
MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nakapagtala sila ng 129 volcanic earthquakes sa Mount Bulusan sa Sorsogon, nitong nakalipas na 24-oras, mula sa dating 15 lamang sa nakalipas na monitoring period.
Sa bulletin na inilabas nitong Linggo, sinabi ng Phivolcs na ang bulkan ay nagbuga rin ng 556 tonelada ng sulfur dioxide flux noong Hulyo 2.
Ang moderate plume emissions ay umabot naman sa 150 metro ang taas, at tinangay patungong northwest at west-northwest.
Binalaan din ng ahensiya ang mga residente na naninirahan sa paligid ng river channels hinggil sa posibleng pag-agos ng lahar kung magkakaroon ng malalakas at matagal na mga pag-ulan sa lugar.
Una nang nakapagtala ang Phivolcs ng phreatic eruptions sa bulkan noong Hunyo 5 at 12, sanhi upang matabunan ng abo ang ilang barangay doon.
Nakataas pa rin naman ngayon ang Alert Level 1 sa bulkan, na nananatili pa rin ang pamamaga, at nangangahulugang posible pa ring magkaroon ng panibagong phreatic eruption sa mga susunod na araw.