LAUR, Nueva Ecija, Philippines — Tinupad ng isang abogado ang habilin ng isang lolo na nasa banig ng karamdaman na maging isang punong bayan at sundan ang legasiya na iniwan nito matapos pamunuan ang bayan ng 14 na taon.
Hindi binigo ni Laur Mayor Atty. Christopher “Tupe” Daus, ang huling habilin ng namayapa niyang lolo na si dating Laur Mayor Gabriel Daus na maging pinuno ng kanilang bayan, sa edad na 43.
“Apo, hindi na ako magtatagal pa sa mundong ito, gusto ko makapagtapos ka ng iyong pag-aaral at sundan mo ang naging yapak ko,” ito umano ang huling habilin ni lolo Gabriel habang nasa isang pagamutan sa Cabanatuan City sa kaniyang apo na si Tupe, na 15-anyos pa lamang noong taong 1994 at isang high school seminarian sa Maria Assumpta Seminary.
Ito ang sikretong ngayon lang ibinida sa publiko ng abogadong alkalde na itinaon niya sa kanyang panunumpa ng tungkulin sa bayan na ginanap sa Laur Central Elementary School na sinaksihan ng libu-libo nitong kababayan.
Kasamang nanumpa si Atty. Daus bilang mayor at apat na nanalong konsehal ng bayan na sina Christopher Bryan Bayro, Niko Gabriel at re-electionist na sina Marina Padilla at Raymundo Lulunan sa harap ni RTC Judge John Voltaire Venturina, noong Hunyo 29.
Ayon sa matatanda ng bayan, minahal at tinangkilik ang lolo ni Tupe na si dating Mayor Gabriel Daus na nanungkulan noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., mula 1964-1971 at 1979-1986.