Fluvial parade sa Pampanga nauwi sa trahedya: 2 patay!
Sinasakyang bangka sumabit sa kuryente
MANILA, Philippines — Trahedya ang naging resulta sa muling pagsasagawa ng fluvial parade sa Apalit, Pampanga nitong Martes kung saan dalawang deboto ang namatay habang dalawa ang sugatan matapos makuryente sa sinasakyang bangka.
Ayon kay Apalit acting police chief Lt. Col. Jose Chalmar Gundaya, naganap ang insidente dakong alas-3 ng hapon sa nabanggit na lugar.
Ilang deboto ang sakay ng mga bangka sa parada sa ilog nang aksidenteng tumama ang pole ng kanilang banderitas sa grid line.
“May mataas na flagpole, parang pinagsabitan ng flag, yung isang bangka natin na umabot doon sa gilid na nasa kuryente sila sa grid line natin.
Parang nalipat po yung kuryente dun sa bakal na lalagyan nung flag nila, eh yung mga tao basa rin po, at yung pole diretso sa bangka basa sila lahat, yun po ang nag-cause ng pagkakuryente ng ating mga pasahero,” ani Gundaya.
Anim ang kaagad na isinugod sa ospital. Ang dalawa ay dead on arrival habang dalawa ang sugatan.
Libu-libong mga deboto ang dumagsa sa ika-177 taon ng fluvial parade o “Libad Ilug” ng Apung Iru lalo pa at 2 taon itong ipinatigil dahil sa banta ng COVID-19.
Ngayong taon, nasa 2,000 bangka ang sumali sa parada.
- Latest