MANILA, Philippines — Matapos ang kontrobersya sa isyu ng pagsusuot ng face mask, nagkasundo na rin sa wakas sina Interior and Local Government Secretary Eduardo Año at Cebu Governor Gwendolyn “Gwen” Garcia.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Año sa isang “chance interview” sa pagdalo nito sa Armsacor Global Defense Inc.,ang pinakamalaking firearms manufacturer sa bansa sa kaunaunahang post-pandemic Tactical , Survival and Arms (TACS) Expo mula Hunyo 23-26 sa Megatrade Hall ng SM Megamall sa Mandaluyong City.
Ayon kay Año, nagkaroon ng serye ng diyalogo ang DILG Region 7 at si Gov. Garcia.
“Well over the weekend, nagkaroon ng consultations between ‘yung ating DILG Region 7,nagkausap,nagkaroon ng compromise, very cooperative naman sila”, ayon kay Año na sinabing nakausap na rin niya si Garcia .
Sinabi ni Año na napagkasunduan na bumuo muna ang Cebu Provincial Government ng Implementing Rules and Regulations (IRR) sa inilabas nitong ordinansa sa pagsusuot ng face mask.
Una nang naging kontrobersiyal ang kautusan ni Garcia sa nasabing ordinansa na nag-aatas sa mamamayan ng Cebu na gawing opsyonal ang pagsusuot ng face mask sa lalawigan at mandatory lamang ito sa closed areas o sa mga nakakaranas ng sintomas ng COVID-19
Sinalungat naman ito ni Año sa pagsasabing dapat pa rin ang pagsusuot ng face mask bilang bahagi ng health protocols habang nagpapatuloy ang banta ng COVID-19.
Humantong ito sa banggaan ng magkabilang panig matapos na una ng magmatigas si Garcia sa pagsasabing dalawang linggo na lamang si Año sa puwesto na tinugon naman ng Kalihim na respeto lang dahil hindi pa sila bumababa sa tungkulin at dapat sundin pa rin ang batas ng kasalukuyang gobyerno.