MANILA, Philippines — Tinatayang nasa mahigit P5 milyong halaga ng mga pananim na marijuana ang sinira ng mga awtoridad nang madiskubre ang plantasyon nitong Linggo sa bulubunduking bahagi sa bayan ng Maguing.
Nadakip naman ang isang Kumander Lomala Pangampong, plantation cultivator, ng Barangay Bato-Bato, Maguing.
Ayon kay Col. Jibin Bongcayao, Lanao del Sur police director, sa isinagawang operasyon. nadiskubre ang higit sa 20,000 marijuana sa bundok-bundok na pananim sa nasabing lugar.
Agad na sinunog ang malawak na pananim ng marijuana habang dinala naman ang iba sa Lanao Sur police headquarters bilang ebidensya.
Sinabi pa ni Bongcayao na ang pagkakadiskubre sa mga marijuana ay bunga ng pakikipagtulungan ng komunidad at sibilyan sa pulisya.
Dagdag pa ng opisyal, inabot ng ilang oras bago makarating ang militar at pulisya sa bundok na lugar dahil na rin sa liblib ang lugar at hindi maayos ang daan.
Kasalukuyan nasa lock-up cell ng Maguing Municipal Police Station ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.