MANILA, Philippines — Isang 37-anyos na negosyante ang patay matapos barilin ng dalawang lalaki na nagpakilala pang “intel” saka nilimas ang kinita ng kanyang sari-sari store at mga alahas, kamakalawa ng gabi sa Lidlidda, Ilocos Sur.
Dead-on-arrival sa Candon General Hospital si Mark Anthony Sayaan, may asawa, may-ari ng Liberty Sayaan Sari-Sari Store sa Brgy. Poblacion Norte, Lidlidda Candon, Ilocos Sur.
Ayon sa pahayag ng misis ng biktima na si Liberty, bumili ng dalawang beer ang dalawang lalaki na nagpakilalang mga ‘intel’ (intelligence officer).
Dito ay nagtanong ang mga suspek kung may mga drug lord sa lugar sabay tutok ng baril sa kanya habang pinipilit pumasok.
Subalit nang lumabas mula sa isang pintuan ang biktima, bigla na lang siyang pinagbabaril ng isa sa suspek samantalang ang isa naman ay mabilis na kinuha ang cash box na naglalaman ng P7,000, mga alahas na nagkakahalaga ng P74,000.00, at dalawang cellphone na nagkakahalaga ng P18,000.00.
Mabilis na tumakas ang dalawang suspek matapos maisagawa ang pagpatay sa biktima at pangungulimbat sa sari-sari store nito.