MATANOG, Maguindanao, Philippines — Bulagta ang dalawang kilabot na terorista na kapwa wanted sa mga kasong pagpatay matapos makipabarilan sa mga miyembro ng Philippine National Police at Marines, dito, noong Huwebes.
Kinilala ng mga awtoridad ang dalawang napatay na miyembro ng Dawlah Islamiya na sina Norodin Guiamad at Puti Sumanday. Sila ay idineklarang dead-on-the-spot dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan mula sa mga nakaengkuwentrong pulis at personnel ng Navy’s 5th Marine Battalion sa Barangay Bugasan sa Matanog.
Ayon sa Matanog Municipal Police, tahimik nilang tinungo kasama ang mga personnel ng Marines, ang pinagtataguan nina Guiamad at Sumanday upang isilbi ang kanilang warrant of arrests na inisyu ng korte dahil sa mga kasong murder at frustrated murder subalit pagdating sa lugar ay nanlaban umano ang dalawa na dahilan upang gumanti ng putok ang raiding team.
Napatay sina Guiamad at Sumanday, at narekober ng mga imbestigador sa kanilang tabi ang isang M16 assault rifle at .45 caliber pistol.
Nakaalerto ngayon ang pulisya at iba pang units ng 1st Marine Brigade dahil sa posibilidad na retaliation o pagganti ng mga kasamahan ng dalawang napatay na terorista.