177 magsasaka ng Hacienda Tinang sa Tarlac, tatanggap na ng lupa – DAR

Ito ang kinumpirma ni Agrarian Assistant Secretary John Laña, at sinabing kuwalipikado ang mga magsasaka na tumanggap ng “certificate of land ownership award” (CLOAs), batay sa isinagawang validation noong nagdaang buwan.
STAR/File

MANILA, Philippines — Tatanggap na ng lupa ang may 177 magsasaka ng Hacienda Tinang sa lalawigan ng Tarlac bago sumapit ang Hunyo 30, 2022.

Ito ang kinumpirma ni Agrarian Assistant Secretary John Laña, at sinabing kuwalipikado ang mga magsasaka na tumanggap ng “certificate of land ownership award” (CLOAs), batay sa isinagawang validation noong nagdaang buwan.

May kabuuang 236 katao ang sinasabing benepis­yaryo ng agra­rian reform  sa lugar.

“As far as I am concerned, nangako na kami sa mga tao na bago mag-June 30 ay kaila­ngan mai-award na ito sa mga qualified. I am not saying na 236 for now, 177 lang ang initial qualified na listahan,” sabi ni Lana.

Aniya nagpalabas na ang pamahalaan ng collective CLOA noong Setyembre 26, 1995 kaya’t nagtaka siya kung bakit hindi pa naipamahagi ang lupa sa mga magsasaka.

Sinabi pa nito na may isa pang grupo na kabi­bilangan ng 400 magsasaka ang umaangkin sa lupa pero wala naman silang kaukulang rekord sa DAR.

Kaugnay nito, sinabi ni Incoming Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III na uunahin niyang paimbestigahan ang pag-aresto sa ilang magsasaka ng Hacienda Tinang upang makontrol ang karahasan sa lugar.

May 90 magsasaka at kanilang supporters ang hinuli sa naturang lugar nang wasakin umano nila ang taniman ng tubo sa pinag-aawayang lupain.

Show comments