TAYTAY, Rizal, Philippines — Nasawi noon din ang isang lalaki matapos tamaan ng kidlat habang nagbibisikleta sa bayang ito nitong Martes ng hapon.
Batay sa ulat ng pulisya, sinabing pauwi na mula sa trabaho bilang construction worker ang biktima na si JR Urcia nang tamaan ng kidlat.
Ayon sa kasama ng biktima na si Antonio Cano, nagmamadali sila na makauwi ng bahay sakay ng kani-kanilang bisikleta nang tumama ang kidlat sa biktima na isang dipa lang ang agwat nito kaya’t tumalsik sa lakas ng impact.
Nabatid na malakas umano ang ulan nang mangyari ang insidente at nasa isang kilometro na lang ang layo ng biktima mula sa kanilang bahay nang tamaan ng kidlat.
Nagdadalamhati ang pamilya ni Urcia, na mayroong dalawang anak, na ang bunso ay limang-buwang-gulang pa lang.
Nangyari ang insidente ilang oras matapos mag-anunsyo ang PAGASA ng thunderstorm advisory sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan, kabilang ang Rizal.
Paalala ng PAGASA sa publiko, makabubuting sumilong muna kung mayroong mga pagkulog at pagkidlat at huwag ding gumamit ng mga mobile phone, lumayo sa mga bakal, at huwag sumilong sa ilalim ng puno.