SARIAYA, Quezon, Philippines — Nabulilyaso ang pangha-hijack ng dalawang pahinante sa isang oil tanker na naglalaman ng mahigit isang milyong pisong halaga ng krudo at gasolina makaraang makatakas ang driver at makapagsuplong sa mga otoridad, kamakalawa ng gabi sa Barangay Castanas ng bayang ito.
Nagsasagawa na ngayon ng manhunt operation ang mga otoridad upang madakip ang mga suspek na sina Vincent Reyes, 31, ng Mauban, Quezon; Philip Magtanggol; at dalawang kasabwat nila na nakilala lamang sa mga alias na Joli at Joey.
Ayon kay PLt. Col. William Angway, chief of police sa bayang ito, alas-11:30 ng gabi ay galing sa Azora Depot ang Isuzu oil tanker (NBM-5519) na minamaneho ni Eman Dizon ng Atimonan at idedeliber sa Lucena City ang 20,000 litro ng krudo at gasolina na nagkakahalaga ng P1,526,000.00.
May ilang minuto pa lamang umanong tumatakbo ang tanker ay tinutukan ng baril ng dalawang pahinante si Dizon at inutusan na magtungo sa Eco-Tourism road, subalit muli silang huminto saka piniringan at tinalian ang dalawang kamay ni Dizon at inilagay ito sa back seat.
Isa sa mga pahinante ang nagmaneho ng tanker at itinapon ang driver sa gilid ng kalye gayunman makalipas ang ilang sandali ay nagawan ng paraan ng huli na maalis ang tali at piring saka nakahingi ng tulong sa mga nagpapatrulyang miyembro ng Sariaya PNP.
Nang makitang dumarating ang mga pulis ay mabilis na nakatalon mula sa tanker ang dalawang pahinante at mabilis na tumakas patungo sa kakahuyan kasama ang kanilang dalawang kasabwat.