MANILA, Philippines — Posibleng maantala ang paglalabas ng notice sa qualified beneficiaries ng Hacienda Tinang sa Tarlac, sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) dahil sa kasong inihain laban sa mga magsasaka.
Tinutukoy ni Agrarian Reform Undersecretary David Erro ang insidente kung saan 83 katao, kabilang ang13 magsasaka ang sinampahan ng kasong malicious mischief at illegal assembly ng state prosecutors, kaugnay ng kanilang isinagawang “ceremonial cultivation” ng lupain ng Hacienda Tinang upang gunitain ang anibersaryo ng pagkakapasa ng CARP law noong Hunyo 10.
Ayon kay Erro, dapat sana ay ilalabas ang notice ngayong linggong ito ngunit hindi natuloy dahil sa naturang insidente.
Aniya, inisyuhan ng collective Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ang may 236 Tinang farmers noong 1995 pa ngunit hindi pa sila nabibigyan ng individual titles hanggang sa ngayon. Kailangan pa aniyang tukuyin ang mga ispesipikong lote para sa bawat isa sa kanila.
Dagdag nito, noong makipagpulong siya sa mga naturang magsasaka ay binalaan na niya ang mga ito na ang naturang cultivation activity bago ang pag-iisyu ng notice sa qualified beneficiaries ay mayroong mga legal na konsekwensya.
Sinabi pa ni Erro na ang DAR ay may natukoy na inisyal na 93 kuwalipikadong farmer-beneficiaries na affiliated sa grupo na nanguna sa cultivation activity sa hasyenda.
“Hindi ko masabi kung puwede ba o hindi magbungkal. Sabi ko premature iyang entry niyo diyan, baka magkaproblema tayo, pag-aralan niyong mabuti. Kasi baka there are legal repercussions with your actions,” aniya.
Sinabi naman aniya ng mga ito na ang bubungkaling lupa sa hasyenda ay maliit lamang at walang mga pananim.
Gayunman, sa field report ng DAR, lumilitaw na ang binungkal na lupa ay nasa apat na hektarya at may tanim na mga tubo.