MANILA, Philippines — Nagsilbing susi ang CCTV footages upang maaresto ang dalawang bantay salakay na security guard na tumangay sa sasakyan ng isa nilang kustomer sa isang motor company sa Calamba City, Laguna, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ang mga suspect na sina Limmuel Tayco at Noriel Cena; pawang security guard ng Dearborn Motorc Co. Inc. Ford, Calamba City.
Bandang alas-7 ng umaga nitong Hunyo 10 nang dumulog sa pulisya ang biktimang si Aldrin Isurita, registered owner ng Ford Ranger Raptor pickup (DAN 9064) kasama ang branch manager ng nasabing motor company na si Glenn Magpantay upang ireport ang insidente.
Sa report ng Calamba City Police, bandang alas-11:14 ng gabi nitong Hunyo 9, nakatanggap ng tawag sa telepono ang nagrereklamong may-ari ng behikulo mula sa Service Advisor ng Dearborn Motors Co Inc. Ford Calamba Branch na ibineberipika kung kinuha na nito ang kaniyang sasakyan sa kanilang sangay.
Gayunman, nilinaw ng may-ari na hindi pa niya kinukuha ang behikulo na kaniyang ipinare-repair sa nasabing motor company.
Dahil nadiskubreng nawawala ang behikulo, nagtungo sa kanilang sangay si Magpantay na agad sinuri ang CCTV footage na nakalagay at dito’y natuklasang nagpabaya sa tungkulin ang nakatalagang guwardiya na bantayang mabuti ang premises.
Samantala, ang isa pang guwardiya ang nakitang kumuha ng Fort Ranger 2.OL Raptor pickup na ang isa pang susi ay naiwan ng may-ari na nakakabit sa loob ng behikulo.