MORONG, Bataan, Philippines — Nauwi sa trahedya ang isa sanang masayang outing ng isang grupo matapos malunod ang dalawa nilang kasamahan sa isang beach resort sa bayang ito kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni Morong Municipal Police chief Capt. Michelle Gaviola kay Bataan Police Director Col. Romell A. Velasco, nakilala ang mga biktimang sina Ricky Domingo Geronimo, 58 anyos, driver at Joerge Cardoniz Pangilinan, 59 anyos, negosyante; mga residente ng Barangay Nagbalon, Marilao, Bulacan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-4:00 ng hapon nitong Martes nang maganap ang insidente ng pagkalunod ng mga biktima sa Adelle Beach Resort ng naturang lugar.
Ayon sa mga saksi, malakas daw ang alon habang naliligo ang dalawa sa gilid ng pampang nang bigla silang hampasin ng malalakas na alon sanhi upang matangay sila sa malalim na bahagi ng dagat.
Sinubukang sagipin ng kanilang mga kasamahan ang mga biktima, pero nabigo ang mga itong mailigtas pa dahil sa delikado at lubhang malalakas ang alon ng dagat.
Gayunman, nagawang marekober ang katawan ng mga biktima saka dali-daling isinugod sa pinakamalapit na pagamutan subalit idineklara nang kapwa dead-on-arrival.