Misis ng judge, todas sa tandem
ILAGAN CITY, Isabela, Philippines — Isang 58-anyos na misis ng isang huwes at manager ng kooperatiba ang nasawi nang pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng isang motorsiklo, kamakalawa ng hapon sa lalawigang ito.
Kinilala ang nasawing biktima na si Agnes Cabauatan-Palce, 58, misis ni Judge Ariel Palce, ng Ilagan Regional Trial Court Branch 40 at internal audit department manager ng Isabela Electric Cooperative 2.
Batay sa ulat ng Ilagan City-PNP, bago naganap ang krimen, alas-5:00 ng hapon sa Barangay San Felipe, ng naturang lungsod ay sakay ang biktima ng service vehicle ng Audit Department ng ISELCO 2 at may kasama siyang driver at empleyado sa sasakyan.
Pauwi sa kanilang tahanan ang biktima sa bayan ng Tumauini nang bigla na lamang silang lapitan ng motorsiklo at dito ay bumunot ng baril ang angkas at binaril ang biktima na tinamaan sa panga.
Matapos ang krimen, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.
Dinala naman sa Isabela Doctors General Hospital ang biktima, subalit dineklara itong dead-on-arrival.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek.
- Latest