Lahat ng pasahero at crew, ‘accounted’ na - PNP
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang Maritime Industry Authority o Marina at Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay sa pagkakasunog ng isang pampasaherong barko na ikinasawi ng pitong katao sa karagatang sakop ng Real, Quezon nitong Lunes ng umaga.
Ayon kay P/Col. Joel Villanueva, Quezon Provincial Police Office director, layunin ng imbestigasyon na matukoy ang sanhi at pinagmulan ng sunog, at maging ang aspetong kriminal o kung may pananagutan ang may-ari ng MV Mercraft 2 na nasunog.
Sinabi ni Villanueva na makakatuwang ng Marina at PCG sa kanilang ongoing investigation ang pulisya bilang support unit.
Sa huling ulat ng PNP, ang lahat ng pasahero at walong crewmembers ng MV Mercraft 2 ay “accounted” na at wala nang naidagdag pa na casualties.
Nabatid na ilan sa 23 nasugatan sa insidente ay nakalabas na rin sa Claro M. Recto Hospital matapos silang malapatan ng lunas habang ang iba ay inilipat sa Manila at iba pang ospital sa Quezon.
Kabilang sa mga nasugatan ay ang master ng nasabing barko na si Capt. John Lerry Escareces na kabilang sa mga dinala sa Claro M. Recto Hospital para magamot.
Sa inisyal na ulat ng PCG, habang naglalayag sa karagatan ang Mercraft 2 na may sakay na 135 katao patungong Port of Real mula Polilio Islands nang bigla itong magliyab bandang alas-5 ng umaga sanhi upang magsitalunan sa dagat ang mga sakay nito.
Nakatanggap naman ng distress call ang PCG bandang alas-6:30 ng umaga kaya dali-daling rumesponde ang kanilang mga search and rescue teams sa lugar. Tumulong din ang dalawang roll-on roll-off (Roro) vessels at apat pang motorboats sa rescue operations.
Lumalabas na nagsimula umano ang apoy sa engine room ng barko at idineklarang under control ang sunog dakong alas-9:33 ng umaga ng nasabi ring araw.
Ang Mercraft 2 ay agad na-tow sa dalampasigan ng Baluti Island sa Barangay Cawayan sa Real ng MV Triple Kent matapos maapula ang sunog.