9 pa nawawala, higit 100 nasagip pampasaherong barko nasunog sa dagat: 7 patay
MANILA, Philippines — Pito ang kumpirmadong patay habang 9 pa ang nawawala at mahigit 100 na pasahero ang nasagip ng mga awtoridad matapos na masunog ang isang passenger vessel habang naglalayag sa karagatang sakop ng bayang ito, kahapon ng umaga.
Kinilala ng Philippine Coast Guard (PCG) at Quezon Provincial Police Office ang mga nasawi dahil sa “suffocation” na sina Viola Empreso, Marivic Samareta, Edna Balanac, Crisanto Debelles, Charito Escareses, Andy Tejares at Mina Enciso.
Ayon kay PCG spokesman Commodore Armand Balilo, galing Polillo Island patungong Real, Quezon ang “Mercraft 2” na sinasakyan ng may 135 katao nang biglang sumiklab ang apoy sa naturang barko.
Sinabi ni Balilo na alas-5:30 ng umaga nang umalis ang Mercraft 2 ship sa Polillo Port lulan ang 126 na pasahero at 9 na crew subalit nang nasa 1,000 yarda na lamang ang layo nito sa destinasyon na Real Port dakong alas-6:30 ng umaga nang biglang sumiklab ang apoy sa barko.
Agad na nagpadala ng distress call ang kapitan ng barko sa PCG at mabilis namang nagtalunan sa tubig ang mga pasahero suot ang mga life vest sa takot na makasama silang masunog sa nagliliyab na barko.
Mabilis namang rumesponde ang mga operatiba ng PCG, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at mga tauhan ng ilang Roro company upang iligtas ang mga pasahero na na-trap sa nasusunog na barko at maging ang mga tumalon sa tubig.
Kaagad ring nagpadala ng mga ambulansya si Governor-elect Dra. Helen Tan upang ihatid sa mga ospital ang 23 na sugatang pasahero.
Dagdag ni Balilo, dakong alas-9:33 ng umaga nang tuluyang makontrol ang sunog sa barko.
Dakong alas-11:30 ng umaga nang maitala ang 103 pasaherong nailigtas ng walang sugat na natamo, 24 ang sugatan, habang pito ang nasawi.
Hindi naman umano “overloaded” ang barko base sa manifesto nito nang maganap ang sunog.
Nai-tow na ang naturang barko ng MV Triple Kent sa Baluti Island sa Barangay Kawayan, Real, Quezon habang nagpapatuloy ang search and rescue operations ng mga responders para sa mga nawawala sa karagatan kasabay ng isinagawang imbestigasyon ang PCG at pulisya sa insidente. - Tony Sandoval at Arnell Ozaeta, Ed Amoroso
- Latest