SAN ANTONIO, Zambales, Philippines — Nasagip ng kanilang kabaro ang tatlong mangingisda na palutang-lutang makaraang masira ang kanilang bangka sa karagatan na sakop ng bayang ito kamakalawa ng umaga.
Ayon sa San Antonio Public Information Office, namataan ng mangingisdang si Ruben Ramelo sina Pelepin Baldia, Diosdado Masuanggat at Regino Llema pawang residente ng Calapacuan na nag- palutang-lutang sa dagat may 30-milya ang layo mula sa baybayin ng Barangay San Miguel.
Nabatid na dalawang araw na nagpalutang-lutang ang tatlo sa dagat nang masira ang unahang bahagi ng kanilang bangka dahil sa hampas ng malalakas na alon.
Sa kagustuhang mabuhay, kumapit ang mga mangingisda sa nakalutang na bahagi ng bangka hanggang sa matagpuan sila at masagip ni Ramelo.
Nagpasalamat naman ang tatlo sa kabaro nilang mangingisda na nagligtas sa kanilang buhay.
Kamakalawa ng hapon ay nakauwi na sa kani-kanilang pamilya ang tatlong mangingisda.