Buntis, nanganak sa loob ng PNP patrol car

mage shows a feet of a newborn baby.
Image by Rainer Maiores from Pixabay

2 pulis-Nueva Vizcaya na tumulong, pinuri

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Isang buntis na ginang ang maayos na nagsilang ng sanggol sa loob ng police patrol car, sa tulong ng dalawang lalaking­ pulis, sa bayan ng Villaverde sa lalawigang ito, kamakalawa ng umaga.

Ayon sa ulat na nakarating kay P/Colonel Ranser­ Evasco, Nueva Vizcaya Police director, nakilala ang dalawang bayaning pulis, na hindi nag-atubiling tulu­­ngan sa panganganak ang isang ginang na sina Patrolman Jardin Paulo Galima at Corporal­ Kennent­ Cabanilla, kapwa nakatalaga sa Villaverde Police Station.

Napag-alaman na unang dumulog sa himpilan ng pulisya ang buntis na si Reyneliet Wasin, 21, residente ng Barangay Ibung para magpadala sana sa pinakamalapit na ospital matapos sumakit na ang kanyang tiyan dakong alas-6:00 ng umaga.

Matapos bumaba sa sinasakyang tricycle, agad na isinakay nina Galima at Cabanilla ang ginang sa police patrol para isugod sana sa pagamutan nang mapansin ni Galima na lalabas na ang sanggol.

Dahil dito, hindi na nag-atubili si Galima na pa­anakin ang ginang sa loob ng sasakyan sa tulong na rin ni Cabanilla at iba pang mga naka-duty na mga pulis.

Matapos ang ilang minuto, matagumpay na nagsilang ng isang sanggol na babae si Wasin sa tulong ni Galima.

Sa pahayag ni Galima sa PSN, napag-alaman na ang kanyang karanasan bilang nurse ang nagbigay sa kanya ng lakas ng loob para isagawa ang pagpapaanak.

Umani naman ng papuri mula sa mga residente at maging sa social media ang pagtulong na ginawa ng mga kagawad ng pulisya sa nasabing bayan.

Show comments