Bangka nagliyab bago lumubog sa Tawi-Tawi: 13 nasagip ng Marines
ZAMBOANGA CITY, Philippines — Labingtatlo na magkakaanak kabilang ang apat na bata ang nailigtas ng tropa ng Philippine Marines matapos na magliyab at tuluyang lumubog ang kanilang sinasakyang motorized banca habang naglalayag sa karagatang sakop ng Sapa-Sapa sa Tawi-Tawi kahapon ng umaga.
Sa ulat, mabilis na rumesponde at nagsagawa ang Marines sa ilalim ng Naval Task Group Tawi-Tawi (NTG-Tawi-Tawi) ng rescue operation matapos silang makatanggap ng distress call dakong alas-8 ng umaga kaugnay sa nasusunog na bangka sa karagatan sa pagitan ng mga isla ng Mantabuan at Banaran.
Ayon kay Lt. JG Chester Cabaltera, public affairs officer ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM), ang mga sundalo sakay ng speedboat ay agad na nakipag-coordinate sa lokal na pamahalaan ng Sapa-Sapa para sa rescue operations.
Sinabi ni Cabaltera na nailigtas ng mga sundalo ang mga biktima, may dalawang oras ang nakalilipas matapos nilang maispatan na stranded sa may sandbar malapit sa bisinidad ng bangkang nasunog at lumubog.
Ang mga biktima ay galing sa Sapa-Sapa nang bigla umanong magliyab ang makina ng kanilang sinasakyang bangka sanhi upang magsitalunan sa tubig at lumangoy patungong malapit sa sandbar.
Iniulat ng Marines na kabilang sa kanilang nasagip ang 1-taong gulang na batang si Alagib Tayting, 2-anyos na kapatid nito na si Nursaliha; at ang magkapatid na sina Ubayda at Rosita Marine, na may edad 4 at 6.
“All rescued individuals were found to be in good physical condition and were later turned over to their relatives in Bongao municipality,” pahayag ni Cabaltera.
- Latest