Isinilid sa garbage bag, itinapon sa likod ng bahay
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng 5-anyos na batang babae matapos matagpuang patay at hubo’t hubad, duguan habang nakasilid sa isang garbage bag at hinihinalang ginahasa ng isang drug suspect sa Batangas City, kamakalawa.
Sa report ng Batangas City Police, ang katawan ng batang biktimang si Alejandra Magpantay alyas “Aleja” ay nadiskubre habang nakabaluktot at bahagyang nababalutan ng itim na garbage bag sa likod ng bahay ng suspek na si MCNair Villanueva, 23, sa Brgy. Wawa, Batangas City noong Sabado.
Si Villanueva ay sinasabing nalulong sa droga at dati nang may drug case.
Ayon kay Police Captain Richard De Guzman, city chief investigator, maaaring ginahasa muna ng suspek ang biktima bago pinatay. Gayunman, inaantay pa nila ang resulta ng autopsy ng bata upang makumpirma ang panghahalay at ang sanhi ng kanyang kamatayan.
Bukod sa walang suot na damit, nakitaan ng pulisya ng mga sugat at pasa sa katawan ang biktima na senyales na pinahirapan ng suspek nang matagpuan. May dugo rin sa ari ng bata senyales na ginahasa ito.
Sinabi ni De Guzman na unang humingi ng tulong ang pamilya ng biktima sa barangay at pulisya matapos ang pagkawala ng nasabing bata.
Sa isinagawang hot pursuit operation ng pulisya, naaresto ang suspek sa kasunod na araw sa Brgy. Wawa.
Ang suspek ay dati nang dinakip ng mga awtoridad sa pagkakasangkot sa illegal drugs at nakalabas lamang sa kulungan matapos maghain ng “plea bargain” sa korte.