MANILA, Philippines — Napaslang ang isang pinaghihinalaang big-time drug pusher habang nasugatan ang isang pulis matapos na mauwi sa shootout ang ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Brgy. San Jose, Luisiana, Laguna, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang suspect na si Michael Lalusin Asis na idineklarang dead-on-arrival sa Luisiana District Hospital.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa nasabing pagamutan ang sugatang pulis na hindi muna pinangalanan makaraang tamaan ng bala sa kanan at kaliwang tuhod.
Sa ulat ng Laguna Police, bandang alas-3 ng hapon nang maganap ang shootout sa pagitan ng mga pulis at drug supect sa Brgy. San Jose, Luisiana, Laguna.
Nagsagawa umano ng anti-illegal drugs operation ang mga operatiba gamit ang kanilang mga body cameras laban sa target na tulak sa nasabing lugar.
Gayunman, habang isinasagawa ang transaksyon ay pumalag umano ang suspect na agad nagpaputok ng baril nang makatunog na undercover agent ang kanyang katransaksyon. Nakipagpalitan naman ng putok ang mga pulis at napatay ang suspek habang minalas na mahagip ng bala ang nasabing pulis.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol, tatlong piraso ng cal. 45 pistol at 25 gramo ng shabu. Kasalukuyan pang pinaghahanap ng pulisya ang mga kasamahang tulak ng napatay na suspect.