Pamamayagpag ng mga Suarez, nagwakas na Babaeng gobernador iniluklok sa Quezon

Dra. Helen Tan
doktorahelentan.com/

LUCENA CITY, Philippines — Matapos ang ilang dekadang pamamayagpag ng mga Suarez, magkakaroon na ng unang babaeng go­bernador ang lalawigan ng Quezon makaraang pagkaisahang ihalal ng mga Quezonian si 4th District Representative Dra. Helen Tan (NPC) laban kay incumbent Governor Danilo Suarez (Lakas-CMD).

Bagama’t wala pang nagaganap na proklamasyon dahil nasa 98.44 percent pa lamang sa mga election returns ang nabibilang ng Provincial ay lumalabas na landslide ang pagkakapanalo ni Tan sa eleksyon.

Si Tan na kasaluku­yang chairperson ng House Committee on Health at nasa huling termino na niya sa Kamara ay nakakuha ng partial/unofficial votes result na 779,915 na naitala bandang alas-8:47 ng umaga.

Ang kanyang katunggali na si Governor Danilo Suarez ay mayroon lamang nakuhang 314,874 votes Ang lalawigan ng Quezon ay may 1,424,023 mga rehistradong botante.

Ang running mate ni Tan na si Lucena City Vice Mayor Anacleto “Third” Alcala ay nakakuha ng botong 655,205 kumpara sa katunggaling si former PCSO Director Betty Nantes na may botong 279,192.

Ang maybahay ni Gov. Suarez na si Rep. Aleta Suarez ay natalo sa 3rd District bilang kinatawan ni Board Member Reynan Arrogancia.

Si Rep. Suarez ay nakakuha lamang ng botong 76,094 kumpara sa 122,204 boto para kay Arrogancia.

Ang anak ni Gov. ­Suarez na si 2nd District Rep. David Suarez ay lumalamang naman sa nakuhang botong 204,607 kumpara sa mahigpit na katunggaling si dating DA Secretary Proceso Alcala na mayroon lamang botong 170,622.

Nakikita rin na uupo at papalit sa iiwang puwesto ni Dra. Tan sa 4th district ng lalawigan ang kanyang anak na si Atorni Mike dahil nakakuha ito ng mataas na botong 166,355 kumpara sa 43,837 ni Board Member Rodora Tan.

Si Re-electionist Rep. Mark Enverga (NPC) mula sa 1st district ay nakikita ring mananatili sa puwesto na nakakopo ng 218,899 votes kumpara sa katunggaling si dating Board Member Techie Dator (KBL) na mayroon lamang 30,933 votes.

Ang father and son tandem nina Mayor Rhoderick Alcala at Mark, ng PDP-Laban ay kapwa patungo na rin sa panalo.

Si Mark, tumatakbo bilang mayor sa lungsod ng Lucena kapalit ng graduating niyang ama na si Roderick ay nakakuha ng 101,370 votes kumpara sa mahigpit na katunggali na si Board Member Romano Talaga na may 30,581 boto mula sa unofficial partial votes count.

Show comments