Maguindanao pa binulabog ng pagsabog, 9 sugatan
MANILA, Philippines — Siyam ang naiulat na sugatan sa sunud-sunod na pagsabog sa dalawang bayan sa Maguindanao, ilang oras bago pa man ang pagbubukas ng mga presinto sa araw mismo ng eleksyon kahapon.
Ayon kay Col. Oriel Pangcog, commander ng 601st Brigade Philippine Army, unang ginulantang ng malakas na pagsabog ang bayan ng Datu Unsay at Shariff Aguak sa Maguindanao pasado alas-7:00 Linggo ng gabi na sinundan naman kahapon ng madaling araw o ilang oras bago ang halalan.
Ang 9 na kataong sugatan ay mula sa pagsabog malapit sa Municipal Hall ng Datu Unsay. Nagtamo ng minor injuries ang mga biktima.
Maliban sa Datu Unsay, dalawang pagsabog din ang naganap sa national highway ng Shariff Aguak.
Lumilitaw na M79 grenade launcher ang ginamit ng mga armadong kalalakihan sa paghahasik ng karahasan sa lugar kahapon..
Samantala, naitala rin sa Lake Sebu sa South Cotabato ang tensyon matapos na may mga armadong kalalakihan na nananakot umano at sinasabing mga private armies sila ng isa sa mga kandidato sa probinsiya.
Mas pinaigting naman ang presensiya ng mga awtoridad sa lugar upang matiyak ang kaayusan at kapayapaan.
- Latest