MANILA, Philippines — Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na mahigit 500 pulis ang nagsilbing Electoral Board (EB) members sa lugar sa Cotabato City upang makontrol ang matinding political rivalry.
Sinabi ni Brig. Gen. Pablo Labra II, deputy director for administration ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM), na sinanay ang mga pulis upang mangasiwa sa eleksyon.
Ayon kay Labra na hepe rin ng Regional Special Operation Task Group Cotabato City and Maguindanao (RSTOG CoMag), ikinalat ang mga pulis sa mahigit 100 clustered precincts upang mag-operate ng vote-counting machines (VCMs).
Ang desisyon na payagan ang mga pulis na magsilbing EBs ay alinsunod sa kasunduan sa pagitan nina re-electionist Mayor Cynthia Guiani-Sayadi at mayoral aspirant Bruce Matabalao ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP).
Nagkaroon ng kaguluhan nitong Sabado ng gabi nang harangin ng dalawang kampo ang biyahe ng election paraphernalia sa polling centers para sa final testing and sealing (FTS).
Humupa lamang ang tensyon nang magkasundo ang Comelec at rival parties na madala ng mga pulis at mga sundalo ang mga VCMs at election paraphernalia sa Cotabato City Central Pilot Elementary School nitong Linggo.
Kasabay ng halalan kahapon, umapela si Brig. Gen Arthur Cabalona, PRO-BARMM director, sa mga tagasuporta ng mga kandidato na gawing mapayapa ang botohan, alinsunod sa mga alituntunin ng Comelec.