MANILA, Philippines — Mas nakararaming mamamayan ng San Jose Del Monte City sa Bulacan ang bilib at kuntento sa ibinibigay na serbisyo nina SJDM Rep. Rida Robes at mister nitong si Mayor Arthur Robes.
Sa isang survey na isinagawa kamakailan kung saan tinanong ang may 800 na taga-SJDM tungkol sa “job satisfaction” at “favorability” ng mga halal na opisyal sa nasabing lungsod, lumalabas na ang mag-asawang Robes ang nag-top dito.
Batay sa survey sa job satisfaction o kung nagagampanan ba ng dalawa ang kanilang mga tungkulin, si Rep. Robes ay nakakuha ng 79 porsyento.
Lumalabas na walo sa 10 na taga-SJDM ay kuntento sa kanyang trabaho bilang kinatawan ng lungsod sa Kongreso.
Bukod dito, pagdating sa “favorability” o pagpabor, si Rep. Robes ay nakakuha ng 85 porsyento sa unang distrito at 81 porsyento sa ikalawang distrito, o 83 percent sa buong lungsod.
Sa kabilang banda, si Mayor Robes ay nakakuha ng 86% sa “job satisfaction,” o katumbas ng halos 9 sa 10 mamamayan ay naniniwala na nagagampanan din niya ng maayos ang kanyang tungkulin.
Sa “favorability” naman, si Mayor Robes ay nakapagtala ng 89%, o katumbas ng 9 sa 10 mamamayan ng SJDM.
Sina Rep. Robes at Mayor Robes ay umani ng papuri dahil sa kanilang mga nagawa upang ang SJDM ay maging isa sa mga progresibong lungsod sa Central Luzon.
Si Rep. Robes ay tumatakbo muli sa eleksiyon bilang kinatawan ng SJDM samantalang ang asawa nito din ay tumatakbo rin para sa isa pang termino sa pagka-alkalde.