Turismo sa Kabikulan muling umarangkada

SORSOGON CITY, Sorsogon, Philippines — Kasunod ng pagluluwag sa travel restrictions sa Bicol Region, muling umarangkada ang turismo sa Kabikulan matapos buksan ang apat na araw na 9th Regional Travel Fair mula Abril 28 na magtatapos bukas.

Pinangunahan ang regional travel fair na ginanap sa bagong bukas na Sorsogon City Convention Center ni Department of Tourism-Bicol regional director Herbie Aguas, Gov. Chiz Escudero at Atty. Anthonete Velasco-Allones, chairperson ng Tourism Promotional Board.Mahigit limandaang bisita ang dumalo kasama ang mga provincial at local tourism officers sa buong rehiyon.

Ayon kay Aguas, ang okasyon ay hudyat ng muling pagbangon ng tu­rismo sa buong rehiyon na pinabagsak ng COVID-19 ng dalawang taon.

Kung dati ay umaabot ng higit 1.5 milyong turista ang bumibisita bawat taon sa iba’t ibang lugar ng Bicol pero nang magsimula ang pandemya noong 2020 ay umabot na lamang ito sa 902,968 (813,586 domestic at 9,382 foreign tourists) habang nitong nakalipas na 2021 ay bumaba pa ito ng 25.86 porsyento na umabot na lamang ng 669,426 katao (668,821 domestic at 605 foreign tourists).

Hindi lamang ang bulkang Mayon sa Albay o butanding interaction ng Donsol, Sorsogon at mga tourist spots ng rehiyon kundi iba’t-ibang masasarap na pagkain, kultura at mga produkto ng bawat lalawigan, bayan at lungsod ang nais bigyang pansin ng mga dumalo.

Wala na umanong puwedeng ikatakot ang mga turista at bisita dahil sa 99 porsyento ng kanilang tourism workers o 8,654 ng 8,660 na mga nagtatrabaho sa industriya ay bakunado na.

Maliban sa bukas na ang land travel ay mala­king oportunidad ang pagbubukas na ng Bicol International Airport sa bayan ng Daraga,Albay na may arawang flights mula Manila at Cebu.

Ilang airbus na rin ang bumibiyahe dito para maraming pasahero ang makasakay.

Show comments