MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan ng Bayan Muna sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pamamaril sa campaign sortie ni presidential candidate Leody “Ka Leody” de Guzman sa Quezon, Bukidnon na ikinasugat ng lima katao noong nakalipas na Abril 19 ng taong ito.
Sina Bayan Muna Reps. Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat ay naghain ng House Resolution (HR) 2561 upang kondenahin ng Kamara at imbestigahan ‘in aid of legislation’ ng House Committee on Human Rights ang insidente.
Si Ka Leody ay kasalukuyang nakikipagpulong sa grupo ng mga katutubong Manobo-Pulangihon sa Quezon, Bukidnon bilang bahagi ng campaign sortie nito nang paulanan ng bala ng mga guwardiya sa isang plantasyon ng pinya sa lugar.
Ang insidente ay ikinasugat ng lima katao kabilang ang senatorial aspirant sa ilalim ng partido ni Ka Leody.
Nabatid na nasa 995 hektaryang agricultural estate ang saklaw rin ng
Forest Land Grazing Management Agreement (FLGMA) na inisyu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos itong mag-expire na noong 2018. Nagtataka naman ang mga mambabatas kung bakit naroon pa rin ang mga guwardiya gayong nag-expire na ang FLGMA ng nasabing lupain.
Nabatid na nais ng mga katutubo na mabawi ang naturang lupain dahil ito umano ay kinalakhan na ng kanilang mga ninuno.