MANILA, Philippines — Nananatiling nasa alert level 2 ang Bulkang Taal sa Batangas bagama’t hindi nagkakaroon ng volcanic earthquake sa nakalipas na 24 oras.
Sa kabila nito, ayon sa Taal Volcano Network ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), patuloy naman ang low-level background tremor sa bulkan na naitala simula noong nagdaang Abril 22.
Ayon sa Phivolcs, may naganap na pagsingaw sa lawa ng Main Crater ng bulkan na lumikha ng plume na may taas na 900 metro ang layo na napadpad sa timog-kanluran. Umaabot naman sa 6,391 tonelada ng asupre ang nailuwa ng bulkan.
Sa ilalim ng Alert Level 2, nakakaranas ang bulkan ng steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang pag-abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglang maganap at manalasa sa paligid ng Taal volcano island (TVI) at karatig na mga dalampasigan.
Muling pinaalala ng Phivolcs ang pagbabawal na pagpasok ng sino man sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal. Bawal din ang magpalipad ng mga sasakyang panghimpapawid sa lugar upang makaiwas sa epektong dulot ng posibleng pagputok ng bulkan at ash falls.