FX swak sa bangin: 6 estudyante patay, 2 sugatan
Galing sa ‘gathering’ sa Mt. Province
MANILA, Philippines — Anim na high school students ang kumpirmadong patay habang dalawa pa ang sugatan matapos mahulog ang kanilang sinasakyang multicab van-type na Tamaraw FX sa tinatayang 100-metrong lalim na bangin sa Sitio Bunga, Catengan, Besao, Mountain Province nitong Huwebes ng madaling-araw.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Dalog Kawi Mangallay, 19-anyos, nagsilbing driver ng Tamaraw FX, residente ng Brgy. Bab-asig, Quirino, Ilocos Sur; Lip-aw Aligan, 15-anyos ng Brgy. Bab-asig; Rhema Sumingwa, 18, ng Catengan, Besao; Merly Docyogen, 17, ng nasabi ring bayan ng Catengan; Hazel Solang, 19, at Lendel Kieth Alfonso,19; kapwa residente ng Bab-asig, Quirino, Ilocos Sur.
Ang anim na estudyante ay pawang dead-on-the-spot sa insidente.
Nang maiahon ng mga rumespondeng rescuers sa matarik na bangin, agad isinugod sa ospital ang mga sugatan na sina Lander Maticyeng, 17-anyos, at Novelyn Sagantiyoc, 18, pawang residente ng Patiacan, Quirino, Ilocos Sur.
Ayon kay Besao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Engr. Mildred Piluden, nanggaling ang mga estudyante sa isang gathering o pagtitipon sa Barangay Laylaya, Besao, Mountain Province at patungo sa Besao town proper nang maganap ang aksidente.
Sa dagdag ulat ni Police Captain Marnie Abellanida, tagapagsalita ng Cordillera Police, tinatahak ng nasabing sasakyan ang Sitio Bunga sa Catengan nang bilga na lamang itong mahulog sa may100-metrong lalim na bangin.
Hinihinalang nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng sasakyan dahil sa madulas na kalsada dulot ng mga pag-ulan hanggang sa tuluy-tuloy silang bumulusok sa bangin.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa nasabing trahedya.
- Latest