MANILA, Philippines — Umakyat na sa 58 katao ang naitatalang namatay dahil sa pagbaha at landslide bunsod ng pananalasa ng bagyong Agaton, ayon sa mga awtoridad kahapon.
Sa nasabing bilang, 47 indibiduwal ang nasawi sa landslide sa Baybay City, lima sa Abuyog City; pawang sa Leyte; tatlo sa Negros Oriental, habang sa katimugang Mindanao ay dalawa sa Monkayo, Davao de Oro, at isa sa Cateel, Davao Oriental.
Nasa 27 katao ang patuloy pang pinaghahanap sa Baybay City habang 100 sinasabing nasugatan at marami ring pananim ang nasalanta ni Agaton sa Baybay City.
Ayon kay Baybay City Mayor Jose Carlos Cari, matapos maantala, itinuloy na rin ang search and retrieval operations sa mga nawawalang residente dahil sa mga pagguho ng lupa kung saan apat na barangay ang unang napaulat na natabunan.
Ayon naman kay P/Captain James Mark Ruiz ng Abuyog Police, patuloy ang ginagawang search and rescue operations ng mga awtoridad sa Pilar Village sa Abuyog City kahapon ng umaga sa pag-asang may ilan pang indibiduwal na buhay. Lima rito ang naiulat na namatay habang 50 katao ang nailigtas.
Sa kabila nito, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na nasa 43 katao ang kanilang huling naitalang bilang ng mga nasawi sa bagyong Agaton.
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal na umabot din sa 34,583 katao ang nailikas sa may 348 na evacuation centers.
Aniya, umaabot na sa P21 milyon ang naibigay na food packs, non food packs at iba pang tulong sa mga naapektuhan ng bagyo at nagpapatuloy pa ito sa sa mga evacuation centers.