MANILA, Philippines — Patay ang isang rider habang sugatan ang apat na iba pa nang araruhin ng isang truck ang dalawang sasakyan matapos mawalan umano ng preno habang bumabagtas sa pangunahing highway sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang namatay na biktima na si Romy Peñaflor, 60, na pauwi na sana ng kanilang tahanan lulan ng kanyang motorsiklo nang maganap ang aksidente.
Samantala, bahagya namang nasugatan ang driver ng truck na si Benjamin Flor, kanyang dalawang pahinante, at driver ng isang kotse na ‘di pa pinangalanan.
Sa ulat, pasado alas-9:00 ng gabi nang maganap ang aksidente sa paliko at palusong na bahagi ng Sumulong Highway sa Antipolo City.
Sa kuwento ni Flor, kalalabas lang ng truck (NGS-4583) sa kasa at hindi niya inaasahang magkakaroon agad ng aberya sa unang biyahe nito. Aniya, pagsapit nila sa naturang lugar ay nawalan ng preno ang truck, kaya’t sinubukan niyang iiwas ito sa mga tao sa paligid ngunit nang nasa palusong na bahagi na ay hindi na umano niya ito nakontrol pa.
Dito na umano nahagip ng truck ang motorsiklo ni Peñaflor na kaagad namatay matapos makaladkad ng truck habang inararo rin ng truck ang isa pang nakaparadang kotse (PSO-953) na may sakay na driver. Nasalpok pa ng truck ang dalawang poste ng kuryente at ilang bollard ng isang gusali sanhi upang mawalan ng suplay ng kuryente sa lugar at maghahatinggabi na nang maibalik ito.
Hinala ng mga otoridad, posibleng nawalan ng balanse ang truck dahil mabigat ang dala nitong mga adhesive, na aabot sa 18,000 kilo.