Kaligtasan at Karapatan ng mga Kababaihan

MANILA, Philippines — Ang masaklap na karanasan na sinapit ni Ana Jalandoni mula sa diumano’y pambubugbog ng kanyang nobyong si Kit Thompson, muling sumiklab ang galit ng taong bayan sa pagkondena sa karahasan hindi lang sa aktres, kundi maging para sa lahat ng mga kababaihan.

Nagkataon ngayon ay nagdiriwang ng 2022 National Women’s Month bilang pagsulong sa mga karapatan na kinakaharap mula sa mga batang babae hanggang sa pangkalahatan na isiwalat ang mga maseselang pinagdaraanan ng mga biktima sa kamay ng mapagsamantalang kalalakihan.

Ang kaso ni Ms. Jalandoni ay sumasalamin sa nararanasan ng mga simpleng Pinay na hindi naisisiwalat ang mga malulupit at masamang pangyayari ng kanilang buhay. Sa taong ito ay muling pinaigting ang theme na “We Make Change Work for Women.” Ito ay isang hakbang upang magbukas sa isipan ng mga mamamayan ng mga simpleng dapat gawin upang mabago ang masadlak na kalagayan ng mga abang  kababaihan. Ito rin ang paraan upang isulong ang itinatawag na batas na Magna Carta of Women. Upang linangin ang mga karapatan ng mga kababaihan tungo sa pagbabago upang maiahon ang lahi ni Eba mula sa masadlak na dusa.

Ang kaso ng mga pambubugbog at pang-aabuso ay patunay ng pagkakaroon ng diskriminasyon bilang paglabag sa karapatan ng babae na mabuhay nang malaya mula sa karahasan. Ito ay nag-iiwan nang malalim na epekto sa pagkatao; hindi lamang sa physical na trauma, lalo’t higit sa sexual at mental na kalagayan na maaaring kahihinatnan sa buhay ng biktima. Kung tutuusin ang isyu ng gender equality ay hindi lamang para sa mga babae, kundi maging patas na karapatan na pagturing sa lahat para sa pakinabangan ng buong bansa.

Kung kaya hinihikayat na sa bawat opisina na palakasin at patuloy na bigyan ng pagkakataon ang mga manggawang babae na gawin ang kanilang tungkulin bilang pagbibigay nito ng kontribusyon sa magandang adhikain ng kompanya.  Hiling din na magkaroon ng mga kasanayan o activities upang lalong mahinang at mabigyan ng tugon ang mga saloobin ng mga kababaihan sa bawat trabahong ginagalawan nito maging sa palengke, kalsada, at higit sa lahat sa kani-kanilang tahanan. Lahat ay umaasam na gawing ligtas, payapa, at maging makabuluhan ang araw-araw na pagharap sa hamon ng buhay ng mga babae sa anomang estado nito lalo sa piling ng kanyang mga katrabaho, kaibigan, classmates, at higit sa kanyang sariling pamilya.

Ang isinusulong na pagbabago ay pagpapalakas sa mga kababaihan upang maipatupad ang mga serbisyo na pangangailangan nina ate, tita, nanay, at lola sa mga legal na pagpapatupad. Sa kabila nang hinihiling na magandang trato, respeto, at pagkilala sa mga kakayahan ng mga kababaihan, ngunit hindi kailaman mawawala ang  katangian ng mga kakampi ng lahi ni Gabriela Silang sa pagiging magiliw, pakikiisa sa aksyon, at pagiging masigasig sa pagsulong sa magandang layunin para sa boses ng mga kababaihan.

Show comments